Article Contributor: Ken Escamillas
Hindi na naging mahirap ang pagpasok ni Jolo Revilla sa mundo ng pag-aartista. Ikaw ba naman ang maging anak ng mga kilalang personalidad na sina Senator Bong Revilla at Congresswoman Lani Mercado. Dagdagan pa ng hitsura at tindig na hindi mo mapagkakailang isa talaga siyang Revilla, galing sa lahi ng purong Caviteňo.
Si Ramon “Jolo” Revilla III ay ipinganak noong Marso 15, 1988. Naging bata ama sa edad na 16 sa anak nila Grace(anak ni Rosanna Roces) na si Jose Gabriel.Ngunit, hindi ito nagpatamlay sa kinang niya bilang isang artista. Bagkos ito pa ang humamon sa kanya na ipagpatuloy muli ang karera.
Bakit nga ba Kapitan Onyx. Dahil kung ating titingnan ang karerang tinatahak niya ay marahil masasabi nating “ Kinanya na niya ang pinaka mahirap na mga trabaho”. Nakakahanga rin dahil animoy namamangka siya sa dalawang ilog na sa galing niya’y nakakasabay siya sa dalawang magkaibang alon nito. At ano nga ba ang dalawang karerang magkasabay na ginagawa ni Jolo?
Ang pagiging artista at ang pagiging public servant. Alam natin na hindi biro ang pagiging isang artista. At katakut-takot na responsbilidad naman ang kaakibat bilang isang pulitiko. Kaya naman para sa isang tulad ni Jolo Revilla, tunay na nananalaytay ang dugong Caviteno. Ang pagiging matapang at masipag.
Isa na siguro si Jolo Revilla sa pinaka inaabangang artista sa telebisyon ngayon. Nagsimula ang kanyang pag-aartista sa GMA 7. Dito nakilala ang kanyang galing sa pag-arte nang gumanap siya bilang si Ramon Salcedo sa teleseryeng “Kaputol ang isang Awit”. Bukod pa rito, lumabas rin siya sa TV sitcom na Idol ko si Kap, teleseryeng Totoy Bato at marami pang iba. Nang lumipat naman siya ABS-CBN, agad na nanginibabaw ang kanyang pangalan. Isa sa mga pinagbidahang teleserye ang Agimat: Ang Alamat ni Ramon Revilla kung saan gumanap siya bilang Pepe “Pepeng Agimat” Dimaantal Jr. Gumanap din siya sa Maala-ala mo kaya: Guitara bilang Paco, Levi sa Noah at Eugene “Kapitang Inggo” Salazar sa Agimat: Mga Alamat ni Ramon Revilla. At ngayon, kilang-kilala na natin siya bilang si Onyx Dimalanta sa hit-teleserye na Binondo Girl. Si Onyx na palaging bigo sa pag-ibig para kay Jade dahil kay Andi.
Nagbukas din ng pinto ang mundo ng pelikula kay Jolo Revilla. Ilan sa mga pelikulang sinamahan niya ay ang Pepeng Agimat (1999) bilang Jepoy, Agimat: Ang Anting-Anting ni Lolo (2002) bilang Pao, Bertud ng Putik (2003) bilang Putik, Exodus: Tales from the Enchanted Kingdom (2005) Exodus at Resiklo (2007) kung saan gumanap din siya bilang Ice.
Bagamat naging mapalad siya bilang artista, hindi niya kinalimutan ang bayang kanyang kinalakhan. Ang bayan ng Cavite. Si Jolo bilang isang artista, bagamat minsa’y nababahiran ng samut-saring kontrobersiya ay naging isang mabuting ehemplo sa mga kapwa niya Caviteno. Marahil, isa na ito sa mga naging dahilan niya upang pasukin ang mundo ng pulitika.
Artista. Pulitka. Magkaiba daan ngunit pilit niyang pinaglapit at pinagasasabay. At ang mundo ng pulitika ay hindi naging malupit para sa kanya. Bagkos, ito pa ang nagudyok sa kanya na matamasa ang kanyang mga di matawarang tagumpay.
Si Onyx ay hindi basta-basta si Onyx. Si Jolo Revilla ngayon ay si Kapitan Onyx. Tama kayo. Kapitan. Superhero. Tagapagtanggol ng isang baranggay sa Bacoor Cavite. Oktubre 25, 2010 nang tumakbo siya bilang Kapitan ng Barangay Panapan VII. Hindi siya binigo ng mga mamamayan roon, nanalo siya. At siya na ngayon ng pinakabatang Kapitan sa edad na 22. Hindi magkamayaw ang tuwa ng kanyang mga magulang sa maagang tagumpay na tinatamasa ni Jolo. Bagamat baguhan, hindi ito naging hadlang para magkapaglingkod sa kapwa.
Agad rin siyang naging pinuno ng Association of Barangay Captains ng buong lalalawigan na agad ring nagpasok sa kanya bilang Board Member ng Sangguniang Panlalawigan (Provincial Council).
Hindi maipag-kakailang si Jolo Revilla na ata ang pinaka-tinitingala at pinaka- astig na Cavitenong kilala ko. Masasabi kong hindi siya nagkamali sa pagsunod sa mga yapak ng kanyang mga magulang. Ang pagiging isang artistang pulitiko. At sa tagumpay sa magkabilang larangan, patunay na seryoso si Jolo Revilla sa kanyang mga karera. Ang kanyang kasikatan bilang isang artista at ang pagiging baguhan bilang isang kapitan ay magsisilbing inspirasyon para sa lahat ng Caviteno.
Hindi ba dapat maging proud ang mga Caviteno kay Jolo Revilla? Kung si Kapitan Onyx nga ay ipinagmamalaki ang pagiging isang Caviteno. Dapat kayo rin. Halinat saksihan pa natin ang mga kahanga-hangang gawain Kapitan Onyx at kanyang paglalakbay para sa kaunlaran ng bayan ng Panapan, Bacoor Cavite.
Lipad Kapitan Onyx. Lipad!
Sources : Wikipedia.com, www.imdb.com,
Photo Credit: ph.omg.yahoo.com
