Sayaw sa Apoy

Article contributed by Jen Magtibay

Paano kung pasayawin ka sa baga? Kakayanin mo kaya?

Isa sa mga pinakapopular na paraan ng pagdiriwang ng mga taga-Alfonso, Cavite sa Sanghiyang ay ang pagsasayaw sa Apoy. Hindi ito ordinaryong sayaw na pwede mong sayawin kahit kailan dahil sagrado ito at kailangan mong gawin ito kasama ng iba pang ritwal sa Sanghiyang.

Ang magsasanghiyang o Barco, ay mga taong sumasayaw sa baga. Para sa kanila, ang pagsayaw sa baga o apoy ay nakalilinis ng iyong kaluluwa.

Hindi naman daw ito masakit gaya ng iniisip ng iba. Ang pagsasayaw ay mabilis lang naman daw. Kung halimbawang nagtagal ka sa ibabaw nito, iyon daw ang delikado. Malamig naman daw ang aspalto kaya’t hindi naman mararamdaman masyado ang init ng baga o apoy. Isa pa raw, ang pananampalataya ang magsasalba sa iyo.

Noong unang panahon, nang dumating sa Pilipinas ang mga Kastila, nakita nila ang ritwal na ginagawa ng mga magsasanghiyang. Inisip ng mga Kastila na ito ay mala-demonyong sayaw kaya’t ipinagbawal ang pagsasayaw nito.

Ngunit may mga tao pa ring nagpatuloy ng ganitong ritwal sa pagpapasalamat sa mga biyayang natatanggap mula sa Maykapal. Ang Sanghiyang na mula sa salitang ‘isa’ at ‘hiyang’ ay nangangahulugan lamang ng ‘kabuuan.’ Kaya’t kada taon, hindi nalilimutan ng mga barco na magsayaw sa baga matapos ang kasaganaang natanggap.

Kung ako man ay pasasayawin sa baga, mag-iisip rin ako ng mga sampung beses. Mahirap labanan ang paniniwala mong nakakapaso ang apoy. Ngunit, sabi nga ng mga magsasanghiyang, ang matibay na paniniwala ang magsasalba sa’yo.

Gagawi rin ako sa Alfonso, at saka ako susubok ng sayaw na ito.

Web sources:
thepoc.net
jetterr.blogspot.com

Photo credit:
thepoc.net

No comments yet.

Leave a Reply