Kabite: Sa Mata ng Isang Mamemelikula

Editor’s Note: The contributor saw this independent film in December 2009 in History class. See how he sees the issues instilled in this movie, Cavite.

Contributor: Pael Balbaboco

Ang mga Caviteño, kilala bilang lahi ng mga matatapang at palaban. Walang inuurugan. Walang papantay sa taglay na lakas ng loob at tibay ng dibdib. Ang independent film industry, kilala sa mga magpalaro nitong konsepto. Mapangahas. Malayo ang abot ng imahinasyon. Malaya at malayo ang nararating ng mga usaping tinatalakay sa pamamagitan ng masining na pagsasalaysay ng isang kwento, gamit ang mga gumagalaw ng larawan.

Paano kung pagsamahin ang dalawang konseptong ito sa isang pelikulang tumatakbo ng walumpung minuto, may iilang tauhan lamang, magalaw na camera at mga kuha, hindi madaling intindihing kwento, at dagdagan pa ng terorismo at takot? Papanoorin mo ba ang pelikulang iyon?

Yan ang pelikulang Cavite – isang psychological suspense-thriller independent picture tungkol kay Adam, isang OFW na nagtatrabaho bilang isang security guard sa California. Sa pelikula, umuwi si Adam sa Pilipinas, ayon na rin sa hiling ng kanyang ina, para sa libing ng kanyang pumanaw na ama, ngunit, kakaibang libing ang nadatnan niya pagdating pa lamang sa Maynila – tila ba nalibing ang isa niyang paa sa kapahamakan. Nag-ring ang telepono ni Adam, at may isang misteryosong lalaking nagsalita sa kabilang linya. Ayon sa lalaki, hawak ng kanyang grupo ang ina at kapatid na babae ni Adam, at papatayin nila ang mga ito kung hindi susunod si Adam sa mga utos nila.

Umikot ang pelikula sa walang tigil na paglalakad ni Adam, bitbit ang isang bag na puno ng bomba na gagamitin ng kausap niya sa telepono para sa terorismo sa probinsya. Naikot na yata niya ang buong Cavite, ang mga sulok nito, ang mga lugar nitong ngayon lamang nakunan sa camera. Sa kakalasan ng pelikula, napagtanto ni Adam, isang tiwalag na Muslim, na ang kausap niya sa telepono ay isang myembro ng Abu Sayyaf, isang rebeldeng grupo na kumakalaban sa gobyerno ng Pilipinas upang makamit ang buong kontrol sa timog na bahagi ng bansa; sa katapusan din nito, nalaman ni Adam na ang kanyang nobyang Amerikana ay nagdadalang-tao, ngunit, nais ipalaglag ito ng kanyang nobya dahilayaw nitong magkaroon ng anak na Muslim.

Ngunit pagkatapos ng lahat, ano nga ba ang nais iparating sa atin ng pelikulang ito? Noong una, takot ang namuo sa akin matapos kong panoorin ang pelikula. Naisip kong baka sa pagbisita ko sa Cavite ay pagpiyestahan ako ng mga terorista. Ngunit matapos kong mag-isip, na-realize ko ang mga bagay na nais ipabatid sa akin ng pelikulang Cavite.

Una, huwag nating tatalikuran ang pagiging Pilipino. Sa pelikula, ipinakitang si Adam ay nagtatrabaho sa California, at tila ang kanyang pananalita, pananamit, kilos at ugali ay nahaluan na ng banyagang dugo. Habang kausap siya ng misteryosong lalaki, ginagaya nito ang kanyang mga gawing Amerikano. Tila nililibak at kinukutya ang pagiging “Americanized” ni Adam. Ipinakita sa pelikula na kahit kailanman, hindi maaaring mawala sa isang Pilipino ang kanyang pagka-Pilipino, dahil habambuhay mananalaytay sa kanyang dugo ang pagiging Pinoy.

Ikalawa, huwag nating tatalikuran ang ating mga paniniwala. Si Adam ay isang tiwalag na Muslim at bilang isang Muslim, alam naman nating lahat na ang kanilang samahan sa paniniwala at pananalig ay laging matatag at may pagkakaisa. Marahil, dahil sa ginawang pagtiwalag ni Adam ay sumama ang loob ng mga kapwa niya Muslim kaya bilang ganti ay kinidnap ng mga ito ang kanyang pamilya. Ipinakita sa pelikula kung gaano kalakas ang paniniwalang panrelihiyon ng mga kapatid nating Muslim, at kung gaano sila kalapit sa isa’t isa.

Ikatlo, mahalaga sa ating mga Pilipino ang ating mga pamilya. Kilala ang ating mga lahi sa close family ties. Marami nga sa atin ang kahit may asawa’t mga anak na ay kina nanay at tatay pa rin nakikitira. Minsan pa nga, sina tito, tita, lolo, lola, pinsan, pamangkin, at basta’y kamag-anak natin ay sa atin nakatira. Ipinakita ng pelikula na higit sa lahat, handing isakripisyo ng isang tao ang kanyang kaligtasan at sariling buhay para lamang sa kapakanan ng kanyang pamilya.

At panghuli, ang mundo ay puno ng mga taong hindi titigil hangga’t hindi nila nakakamit ang dapat ay sa kanila.

Para sa akin, ang pelikulang Cavite ay sumasalamin sa political at social stability ng ating bansa, at hindi sa anumang karahasang mayroon ang probinsyang ito. Dahil para sa akin, sa marami, at sa mga Caviteño na rin, ang probinsya ng Cavite ay salamin ng maunlad at mapayapang komunidad. Ang mga exaggerated nitong mga anggulo ng camera, musical scoring, at mga sequences ay nagdagdag lamang ng diin sa nais iparating sa atin ng pelikula – ang ating bansa ay nangangailangan ng matagalang pagkukumpuni ng sira, mula sa pagbagsak nito’t muling pagbangon.

Cavite, directed by Ian Gamazon and Neill Dela Llana, starring Ian Gamazon as Adam, released May 2006.

Photo Credits:
www.slantmagazine.com
ia.media-imdb.com

No comments yet.

Leave a Reply